Posible umanong hindi na maipatupad ang walong farm-to-market road projects na natukoy na may maling coordinates sa panukalang pondo para sa 2027.
Ang naturang mga proyekto ay ilan sa mga nakitang may red flags sa version ng proposed budget na inaprobahan ng House of Representatives.
Paliwanag ni DA Asec. U-Nichols Manalo, ang mga naturang proyekto ay nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) at hindi budget insertion.
Nagpapatuloy din aniya ang review o pagsusuri sa iba pang mga FMR upang masigurong wala nang iba pang pagkakamali.
Ginawa ng opisyal ang naturang pahayag, kasabay ng isinagawang House Committee on Agriculture and Food hearing nitong Nov. 4.
Paglilinaw naman ni House Committee on Appropriations vice-chair Arnie Fuentebella, hindi pa naman tapos ang budget process kaya’t maaari pang itama ng DA ang coordinates nang hindi masayang ang mga naturang proyekto, lalo na kung mahalaga ang mga ito.
Kasama rin sa tinalakay ng House Committee on Agriculture and Food ay ang paghahanda at pagtugon ng pamahalaan sa inaasahang epekto ng matinding El Niño sa buong bansa.
Nakatuon ang pagtalakay sa tatlong mahahalagang punto: koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan para sa mabilis na pagpapaabot ng tulong; transparency sa pamamahagi ng pondo; at pagtukoy sa kinakailangan pang resources.














