Tiwala ang Malacañang na hindi makaaapekto sa pagdalo ng mga lider ng ASEAN sa nakatakdang summit sa Pilipinas sa Nobyembre ang mga naging pahayag ng China.
Ayon sa Palasyo, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa mga bansang miyembro ng ASEAN. Mas makabubuti umano kung dadalo si Chinese President Xi Jinping upang mapag-usapan at maresolba ang mga isyu sa rehiyon.
Nauna nang inakusahan ni Chinese Defense Ministry spokesperson Zhang Xiaogang ang Pilipinas na sinisira umano ang diwa ng pagiging bukas ng ASEAN at ang karapatan ng China bilang dialogue partner. Ito ay kasunod ng insidente sa ADMM-Plus sa Cebu, kung saan hindi sinalubong ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Chinese defense attaché.
Hindi pa makumpirma ng Palasyo kung pormal nang inimbitahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Xi sa summit. Matatandaang inimbitahan na niya ang Chinese leader na bumisita sa Pilipinas sa kanilang pagpupulong sa Beijing noong Enero 2023, kung saan tinalakay din ang West Philippine Sea.
















