-- Advertisements --

Binigyang-linaw ng People’s Budget Coalition na hindi ang pagtanggal sa mga programang ayuda ang panawagan ng grupo, kundi ang pagbabago sa sistema ng pamamahagi nito upang hindi na umano kailangang lumapit sa mga politiko ang mga mamamayang nangangailangan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni AJ Montesa ng People’s Budget Coalition na mahalaga ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap na pamilya.

Gayunman, kinuwestiyon niya ang proseso ng pagkuha ng ayuda, kung saan kailangang pumila nang matagal sa mga barangay hall, maghintay nang ilang oras, at sa ilang pagkakataon ay humingi pa umano ng guarantee letter o referral mula sa mga politiko.

Ayon kay Montesa, hindi dapat na kailangan pang magmakaawa o magkaroon ng utang na loob sa mga politiko para lamang makuha ang tulong na karapatan naman ng mga mamamayan.

Dahil dito, nais ng grupo na palakasin ang mga umiiral nang sistema ng pamahalaan upang mas madaling makuha ng mga benepisyaryo ang tulong na kanilang kailangan.

Ayon kay Montesa, simula noong 2022, kasunod ng pandemya, paborito umanong dagdagan ng House of Representatives ang pondo para sa mga programang ayuda.

Sa pananaw ng grupo, nagiging daan ito upang magkaroon ng tinatawag na utang na loob sa mga politiko ang mga benepisyaryo.

Giit ng People’s Budget Coalition, dapat direktang nakararating sa mga nangangailangan ang tulong ng pamahalaan, nang hindi na kailangang dumaan sa mga politiko.

Matatandaang kabilang ang People’s Budget Coalition sa mga civil society groups na lumahok sa pagdinig ng Senate Finance Committee kaugnay ng panukalang 2027 national budget, kung saan inilahad ng grupo ang mga red flag sa mga alokasyon para sa mga programang ayuda.