Tiniyak ni House Deputy Speaker Janette Garin na nagpapatuloy ang trabaho ng Kongreso sa paghahanda ng pambansang budget at pagtugon sa posibleng epekto ng Super El Niño sa kabila ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Garin, hindi napabayaan ng mga mambabatas ang kanilang mga tungkulin dahil lamang sa paglilitis. Aniya, nasa oras ang paghahanda ng mga panukalang batas, kabilang ang pambansang budget at mga hakbang laban sa epekto ng matinding El Niño.
Ipinaliwanag din ni Garin na hindi ginusto ng Kongreso ang impeachment proceedings, ngunit tungkulin nilang tugunan ang mga reklamong inihain alinsunod sa Konstitusyon. Binigyang-diin niyang hindi dapat huminto ang iba pang gawain ng pamahalaan habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Samantala, nagbabala ang PAGASA na maaaring tumagal ang malakas na El Niño hanggang unang bahagi ng 2027, na posibleng magdulot ng kakulangan sa ulan, tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig sa ilang lugar.
Naghahanda na rin ang pamahalaan ng mga hakbang upang maprotektahan ang suplay ng pagkain at tubig at matulungan ang mga magsasaka.














