-- Advertisements --

Tiniyak ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na magpapatuloy ang imbestigasyon sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP) na sangkot sa mga alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds at bribery, kahit binawi na ang tatlong reklamo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Luistro, iniimbestigahan na ng Office of the Ombudsman mula pa noong 2024 ang mga alegasyon laban sa mga opisyal ng dalawang ahensya. Maaari rin aniyang humantong sa kasong kriminal o sibil ang mga ito depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Nilinaw ni Luistro na hindi nangangahulugang natapos na ang mga imbestigasyon dahil lamang binawi ng prosecution ang mga artikulo tungkol sa confidential funds, bribery at grave threats sa impeachment trial. Iginiit din ni Luistro na walang nasayang sa prosesong isinagawa ng Kamara.

Sinabi rin ni Luistro na handa ang prosecution na ibigay sa Ombudsman ang mga dokumento at ebidensyang nakalap nila sa mga pagdinig ng Kamara at impeachment proceedings upang makatulong sa patuloy na imbestigasyon.

Samantala, hiwalay namang dinidinig sa Quezon City Regional Trial Court ang kasong grave threats kaugnay ng mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024 laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Luistro na umaasa silang gagampanan ng Ombudsman at iba pang ahensya ang kanilang tungkulin upang matukoy kung may pananagutang kriminal o sibil ang mga sangkot sa mga alegasyon.