-- Advertisements --

    Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa Bangsamoro, kasabay ng pagsisimula ng unang regular na parliamentary government ng rehiyon matapos ang pitong taong transisyon.

    Sa kanyang talumpati sa inaugural session ng unang halal na Bangsamoro Parliament sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Cotabato City nitong Biyernes, sinabi ng Pangulo na palalawakin pa ng pamahalaan ang mga oportunidad pang-ekonomiya sa Mindanao ngayong pumapasok ang Bangsamoro sa panibagong yugto ng pamamahala.

    Muling pinagtibay ni Pang. Marcos ang suporta ng National Government sa awtonomiya ng Bangsamoro at sa mga demokratikong institusyon nito.

    Aniya, handa silang makipagtulungan sa pamahalaang bubuuin ng bagong halal na Parliament.

    “Hinding-hindi namin kayo pababayaan. So, let us walk forward, trusting in God and in one another, toward a Bangsamoro that is peaceful and prosperous,”diin ng Pangulo.

    Binigyang-pugay rin ng Pangulo ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at mga lider na nagsikap para makamit ang kapayapaan sa rehiyon.

    Kabilang sa mga naging bunga ng kanilang pagsisikap ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, Bangsamoro Organic Law at pagtatatag ng Bangsamoro Transition Authority.

    Pormal na nagtatapos ang pitong taong transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority sa pagbubukas ng unang sesyon ng halal na Parliament.

    Ayon kay Pang. Marcos, makasaysayang tagumpay ito hindi lamang para sa mga Bangsamoro at Mindanao kundi para sa buong sambayanang Pilipino.