Umapela ang National Council on Disability Affairs sa pubilko at sa mga lokal na pamahalaan na protektahan at respetuhin ang mga persons with disabilities (PWDs) na magtutungo o bibisita sa mga sementeryo.
Apela ng konseho, dapat ay ligtas at maayos ang pagpasok at paggalaw ng mga ito sa loob ng mga sementeryo, himlayan, at mga columbarium.
Ipinaalala ng konseho sa mga LGU ang paglalagay ng pansamantalang rampa sa mga hagdan na maaaring gamitin ng mga PWD, paglalagay ng akma at malinaw na signage, at pagkakaroon ng sapat na ilaw o maayos na lighting.
Ayon pa sa konseho, kailangan ding maalis ang mga nakaparadang sasakyan, mga nakaharang na paninda, at iba pang mga bagay na kadalasang humaharang sa kanila sa paggamit sa mga itinalagang access route.
Giit ng NCDA, mainam na magsagawa ang mga LGU ng inspeksyon at agarang gumawa ng mga kinakailangang hakbang bago pa man dumagsa ang mga tao sa mga sementeryo sa November 1 at November 2.
Binalikan ng konseho ang nilalaman ng Accessibility Law at Magna Carta for Persons with Disabilities kung saan isa sa mga pangunahing proteksyon at serbisyo para sa mga PWD ay ang pagpapanatiling maluwag ang mga daanan at walang anumang sagabal.
Binigyang-diin ng naturang opisina na may karapatan ang mga ito na gumamit sa mga special lanes at special facilities upang maginhawa at madali ang pag-access sa mga sementeryo.














