-- Advertisements --

Umaabot sa 96 indibidwal ang naghahangad na kilalanin bilang mga biktima ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, mahigit isang buwan bago magsimula ang paglilitis sa kaniya sa International Criminal Court o ICC.

Iniulat ng ICC Registry na sinuri nito ang 46 na aplikasyon at inuri ang mga ito bilang Group A, o mga aplikanteng malinaw na kuwalipikadong kilalanin bilang mga biktima. Apat pang aplikasyon naman ang inilagay sa Group C dahil hindi pa matukoy kung kuwalipikado ang mga aplikante.

Ang pag-uuri ay bahagi ng proseso ng ICC sa pagsusuri ng mga aplikasyon. Kapag opisyal na tinanggap, madadagdag ang mga ito sa 539 indibidwal na una nang kinilala bilang mga biktima noong pretrial phase at mananatiling kalahok sa paglilitis.

Nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands, ang paglilitis kay Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity. Inakusahan siyang nagpasimula ng umano’y planong pumatay sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.