Nasa full alert status na ang National Capital Region Police Office o NCRPO simula alas-12:01 ng madaling araw nitong Oktubre 30 bilang paghahanda sa Undas 2026. Maaari itong ibaba sa Nobyembre 3, depende sa magiging assessment ng pulisya.
Ayon kay NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo, nasa 12,848 pulis na ang naka-deploy sa Metro Manila at inaasahan pang tataassa mga susunod na oras. Kabilang sa mga binabantayang lugar ang mga sementeryo at terminal.
Wala pang naitatalang di-kanais-nais na insidente sa mga lugar na ito, maliban sa mga nahuhuling may dalang ipinagbabawal na gamit. Nasa 3,600 pulis naman ang nagsasagawa ng anti-criminality operations sa mga komunidad at barangay.
Samantala, mahigit 111,000 pulis ang ide-deploy sa buong bansa para sa Undas, ayon sa DILG. Inaasahang maraming Pilipino ang uuwi sa kanilang mga probinsya para dalawin ang mga yumaong mahal sa buhay sa Nobyembre 1 at 2.













