-- Advertisements --

Pormal nang isinuko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang karapatang dumalo sa kanyang ikalimang status conference sa harap ng International Criminal Court (ICC) na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026.

Sa isang 3-page filing, inihayag ng defense team ni Duterte na opisyal nilang ipinaalam sa Trial Chamber noong Oktubre 28 ang pasya ng dating lider na huwag nang humarap sa naturang hearing.

Pinagbigyan ng Trial Chamber ang naging kahilingan at inatasan ang legal team na magsumite ng opisyal na waiver na personal na nilagdaan ng dating pangulo.

Bilang pagtalima sa utos ng korte, isinumite ng mga abogado ang signed waiver bilang Annex A sa kanilang ginawang opisyal na submission.

Inatasan din ni Duterte ang kanyang mga abogado na silang humarap at magdesisyon sa mga procedual matters na nakatala sa agenda ng status conference pati na sa iba pang isyung lalabas sa pagdinig.

Kasalukuyang nahaharap ang dating pangulo sa mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court kaugnay ng mga pagpatay sa kanyang anti-drug campaign.