-- Advertisements --

Naniniwala si dating Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Deputy Governor Diwa Guinigundo na ang lalo pang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar atbpang foreign currencies ay dahil sa maraming salik mula sa iba’t-ibang sektor.

Kinabibilangan ito ng malaking salik ang ingay sa politika, usapin sa governance, at korapsyon, kasama ang negatibong balance of payments.

Ang mga ito aniya, ay labis na nagpapababa sa kumpyansa ng mga mamumuhunan sa bansa.

Sa ilalim ng inflation, ipinaliwanag ni Guinigundo na ang piso noong 2018 ay katumbas na lamang ng 74 sentimo ngayon, kung kaya’t nabawasan ng 26 sentimos ang purchasing power ng mga ordinaryong Pilipino.

Malaki rin ang naging epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na resulta ng giyera sa Middle East, na nagtulak para sunod-sunod na magtaas ang presyo ng mga bilihin sa Pilipinas.

Paliwanag pa ng dating BSP deputy governor, ang haka-haka sa pagtataas ng interest rate ng US Federal Reserve na nagtutulak sa mga investor na ilabas ang kanilang puhunan (dollar) ay naging malaking hamon din sa lokal na ekonomiya ng Pilipinas.