-- Advertisements --

Inihayag ng Malacañang na malaki ang naging epekto ng P50-milyong pabuya sa kakayahan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na malayang makakilos nang hindi napapansin, kasabay ng pinaigting na operasyon ng pulisya at pagtaas ng kamalayan ng publiko.

Batay sa ulat ng Philippine National Police, maingat na sinusuri ang lahat ng impormasyong natatanggap at agad na tinutugunan ang mga mapagkakatiwalaang lead.

Tumanggi naman ang Palasyo magbigay ng detalye hinggil sa kinaroroonan at operasyon laban sa senador upang hindi malagay sa panganib ang mga impormante at mga tauhan ng pulisya.

Nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant ng International Criminal Court dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagtago siya matapos kumpirmahin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong huling bahagi ng 2025 na may warrant laban sa senador.

Noong Mayo, muling nagpakita si Dela Rosa sa Senado upang suportahan ang pagkakatalaga kay Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President, ngunit hindi siya naaresto at kalauna’y nakalabas sa gusali sa kabila ng pagbabantay ng mga pulis.

Inamin naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla ngayong buwan na nagkulang siya sa pag-asikaso sa pag-aresto sa senador dahil labis siyang umasa sa isang gentleman’s agreement.