Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatutulong ang mga electric tricycle o e-trike na makatipid sa gastos sa gasolina at madagdagan ang kita ng mga drayber. Ibinahagi ito ng Pangulo sa pagbisita niya sa planta ng paggawa at pag-assemble ng mga sasakyang de kuryente sa Biñan, Laguna.
Ayon kay Pang. Marcos, kayang bumiyahe ng mga e-trike nang 100 hanggang 210 kilometro sa isang beses na pag-charge.
Sapat ito para sa karaniwang arawang biyahe ng mga drayber na umaabot sa 90 kilometro sa mga lungsod at 110 hanggang 120 kilometro sa mga probinsiya.
Tumatagal naman ng anim hanggang walong oras kapag full charge ang mga sasakyan. Ayon sa Pangulo, makatutulong ang paggamit ng e-trike na mabawasan ang pagdepende ng mga drayber sa gasolina upang mas malaking bahagi ng kanilang kinikita ang maiuwi nila sa kanilang pamilya.
Ang nasabing investment ay makalilikha ng mga trabaho, magpapalakas sa lokal na industriya ng sasakyan at magbibigay ng oportunidad sa mga negosyong Pilipino na gumagawa ng piyesa. Bukod dito, inaasahang makatutulong ang paggamit ng mga de-kuryenteng sasakyan na mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na gasolina at maisulong ang mas malinis na transportasyon.
Hinimok ng Pangulo ang nasabing kumpanya na kumuha pa ng mga piyesa mula sa mga lokal na manufacturer upang madagdagan ang oportunidad para sa mga negosyante at manggagawang Pilipino. Layunin ng pamahalaan na gawing de-kuryente ang 50 porsiyento ng mga sasakyan sa bansa pagsapit ng 2040.













