Kinumpirma ng Department of Justice ang pagsusumite ni dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca ng ‘counter-affidavit’ ukol sa reklamo nitong kinakaharap.
Personal na dumating si Aplasca sa tanggapan ng kagawaran at dinaluhan ang ikatlong pagdinig ng preliminary investigation sa reklamong isinampa kontra sa kanya.
Nahaharap ang dating opisyal sa ‘direct assault complaint’ na inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG.
Ito’y may kinalaman sa naganap na pamamaril o ‘shooting incident’ noong buwan ng Mayo sa loob mismo ng Senado.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, matapos ang pagsusumite ng kontra-salaysay, hihintayin kung maghahain pa ng ‘reply-affidavit’ ang ‘complainants’.
Itinakda ang pagsusumite ng tugon sa ika-6 ng Nobyembre habang ang ‘rejoinder-affidavit’ naman sa panig ng ‘respondents’ ay maaring isumite sa ika-13 ng kaparehong buwan.
Sakaling hindi na magsumite ng ‘reply-affidavit’ ang Pambansang Pulisya sa kontra-salaysay ni Mao Aplasca, magiging ‘submitted for resolution’ na ang reklamo sa susunod na buwan.
Susundan na ito ng pagdetermina ng prosekusyon sa reklamo kung tatayo bilang kaso at tuluyan ihain na sa kaukulang korte.
Ang dalawang kapwa-respondents naman ni dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca ay nauna nang nagsumite ng kontra-salaysay ayon sa tagapagsalita.
Bagama’t personal na dumating sa kagawaran si Aplasca, tumanggi na itong magkumento o magbigay pahayag; bagkus ngumiti at nag-thumbs-up na lamang.














