-- Advertisements --

Nanawagan ang People’s Budget Coalition na alisin ng Senado sa panukalang 2027 national budget ang mga proyektong idinagdag ng Kamara na wala umanong sapat na dokumentasyong maaaring masuri ng publiko.

Sa pagdinig ng Senate Finance Committee nitong Lunes, inilahad ng grupo na may halos 7,000 proyekto na nagkakahalaga ng P190 bilyon na hindi umano kalakip ang mga kinakailangang dokumento na magbibigay-linaw sa mga ito.

Ayon kay coalition co-convenor Kenneth Ibasco Abante, hindi naman nangangahulugang may problema sa lahat ng proyektong nabanggit. Gayunman, iginiit niyang dapat maipakita ang mga kaukulang dokumento upang masiguro na dumaan ang mga ito sa wastong proseso bago pagkagastusan ng gobyerno.

Hiniling ng grupo sa Senado na huwag isama ang mga proyektong hindi maipapakita ang kinakailangang papeles. Nanawagan din sila sa Pangulo na huwag aprubahan ang mga naturang alokasyon.

Bukod sa mga proyektong idinagdag ng Kamara, inilatag din ng coalition ang iba pang bahagi ng panukalang badyet na sa tingin nila ay nangangailangan ng masusing pagsusuri.

Tinataya ng grupo na mahigit P1 trilyon ang mga alokasyong may mga posibleng red flag. Kabilang dito ang P695 bilyong tinawag nilang “hard pork,” P210 bilyong “soft pork,” at P112 bilyong unprogrammed appropriations.

Binigyang-diin ng coalition na dapat may sapat na impormasyon ang publiko tungkol sa mga proyektong popondohan gamit ang buwis ng mamamaya.