Isinusulong ng Department of Agriculture ang ang pagbabalik ng 40% na taripa sa mga inaangkat na karne ng baboy at ang pagpapatupad ng dalawang buwang import holiday.
Ito ay habang nahaharap ang mga lokal na magbababoy sa sunod-sunod na pagbaba ng presyo sa farmgate, kasabay ng mga protesta sa labas ng kanilang punong tanggapan.
Tinitiyak nito na kumikilos ang ahensiya upang protektahan ang lokal na industriya laban sa di-patas na kompetisyon mula sa mga imported na produkto.
Ayon kay Tiu Laurel, hindi makatarungang pasanin ng mga lokal na prodyuser ang patuloy na pagkalugi dahil sa mababang presyo ng kanilang mga alagang baboy sa bukid.
Bagamat layunin ng mga mungkahing ito na bigyan ng pagkakataon ang mga lokal na prodyuser na makabangon, nilinaw ng DA na hindi pa ito tuluyang naipatutupad dahil nangangailangan ito ng masusing proseso at aksiyon mula sa iba pang sangay ng pamahalaan tulad ng Tariff Commission.















