Hinimok ni international law professor, Atty. Romel Bagares ang Department of Foreign Affairs na maghain ng written protest laban sa pagbabanta kamakailan ni Chinese Ambassador Jing Quan.
Ito ay kahit pa ipinatawag ng ahensiya ang Chinese official sa mismong opisina ng DFA.
Ayon kay Atty. Bagares, dapat ay maghain ng akma at mabigat na formal protest ang ahensiya laban sa ambassador bilang pormal na pag-dokumento sa pagbabanta ng Chinese official.
Maaaring magamit ito aniya sa anumang posibleng mangyari sa hinaharap.
Ayon sa international law professor, maituturing na pagbabanta ang pahayag ng Chinese official, at hindi dapat ito hinahayaan ng PH government na mangyari sa anumang pagkakataon.
Tinawag din niyang ‘condescending’ o mapangmaliit ang naturang pahayag at mistulang ipinapamukha lamang ng China sa Pilipinas na isa lamang itong maliit na bansa at wala itong kakayahan.
Ang pagkondena at pagprotesta ng PH government sa naturang pahayag, ayon kay Atty. Bagares, ay magpapakita ng paninindigan ng bansa laban sa mga dayuhang nangmamaliit at nang-aapi sa Pilipinas sa anumang porma.
















