Umarangkada ang Barangay Ginebra San Miguel matapos talunin ang Phoenix Fuel Masters, 106-89, sa PBA Season 50 Governors’ Cup nitong Linggo, Oktubre 18, sa Ynares Center sa Antipolo City, upang panatilihing buhay ang pag-asang makapasok sa quarterfinals.
Pinangunahan ni Scottie Thompson ang Gin Kings sa naitalang 29 puntos, 10 rebounds, anim na assists, tatlong steals at dalawang blocks.
Nag-ambag naman si import Jordan Murphy ng 28 puntos at 13 rebounds, habang kapwa nagtala sina Japeth Aguilar at Jeremiah Gray ng tig-12 puntos para sa Ginebra.
Maagang nakontrol ng Gin Kings ang laro matapos magtayo ng walong puntos na kalamangan, 36-28, sa unang quarter. Lalo pa nilang pinalaki ang agwat sa second quarter upang tapusin ang unang kalahati sa iskor na 65-45.
Nagpatuloy ang dominasyon ng Ginebra sa ikatlong quarter, kung saan umabot sa 26 puntos ang kanilang kalamangan, 86-60, bago ang huling yugto ng laban.
Hindi na nakabawi ang Phoenix sa malaking agwat hanggang sa tuluyang makuha ng Ginebra ang 17-puntos na panalo. Nanguna naman para sa Fuel Masters si Marcellus Earlington na may 22 puntos at siyam na rebounds, habang nagdagdag sina Ricci Rivero at Kai Ballungay ng tig-10 puntos.
Sa kabila ng pagkatalo, pasok na sa quarterfinals ang Phoenix na may 5-4 win-loss record. Umangat naman ang Ginebra sa 4-5 kartada at patuloy na lumalaban para sa puwesto sa susunod na yugto ng torneo.
Sa huling laro ng elimination round, makakaharap ng Ginebra ang Blackwater, habang sasabak naman ang Phoenix kontra Rain or Shine.














