Isinusulong ni Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ang agarang pagpasa sa National Water Resources Management Act upang matiyak ang sapat at maaasahang suplay ng tubig sa gitna ng banta ng El Niño.
Ayon kay Quimbo, ang kakulangan sa tubig ay hindi lamang suliraning pangkapaligiran kundi usapin din ng kalusugan ng publiko at ekonomiya dahil naaapektuhan nito ang pang-araw-araw na buhay ng mga pamilya, operasyon ng mga negosyo, at paghahatid ng serbisyong publiko.
Layunin ng panukalang House Bill No. 6789 na magtatag ng pambansang balangkas para sa pamamahala ng yamang-tubig, gayundin ang paglikha ng Department of Water Resources at Water Regulatory Commission.
Inaprubahan ng Kamara ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa noong Disyembre 22, 2025, at ipinadala ito sa Senado para sa kaukulang aksyon.
Binigyang-diin ni Quimbo na mahalaga ang mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya at pangmatagalang pagpaplano upang matugunan ang magkakaibang pangangailangan sa tubig, lalo na sa panahon ng matinding tagtuyot at iba pang epekto ng pagbabago ng klima.
Umaasa ang mambabatas na agad uusad sa Senado ang panukala upang maisabatas, at mapalakas ang kakayahan ng bansa na tiyakin ang seguridad sa tubig at protektahan ang mga komunidad laban sa banta ng posibleng Super El Niño.
















