-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga awtoridad na nag-iimbestiga sa pagkakasabat ng kargamento ng ilegal na droga sa Laos, kasunod ng pagkakadawit sa insidente ng isang eroplanong humiling ng pahintulot na lumipad sa Pilipinas.

Ayon sa CAAP, nakarehistro sa Estados Unidos ang naturang eroplano, gayundin ang lisensya ng dalawang pilotong nakapangalan sa flight plan, na sakop ng US Federal Aviation Administration.

Kinumpirma rin ng ahensya na nakatanggap ito noong Setyembre 24 ng aplikasyon para sa flight permit mula sa Aerosky Service Corp., para sa kumpanyang CGTAsia.

Samantala, tiniyak ni CAAP Director General Retired Raul Del Rosario na patuloy nilang paiigtingin ang mga hakbang sa seguridad at mahigpit na ipatutupad ang mga regulasyon sa aviation upang maprotektahan ang himpapawid ng bansa.