Walong Chinese nationals at 10 Pilipinong minero ang arestado sa isang operasyon kontra-ilegal mining sa Brgy. Mabini, Surigao City, nitong Miyerkules, Oktubre 14.
Nahuli ang mga minero sa isang pinaghihinalaang illegal mining site sa tabing-bundok sa Brgy. Mabini, ayon kay Police Regional Office (PRO-13) Director Brig. Gen. Rolindo Suguilon.
Walong Chinese na suspek ang natukoy ng mga pulisya ayon sa kanilang mga alyas na sina: “Chow,” 53 años, “Chao,” 58 años, “Hao,” 39 años, “Long,” 51 años, at “Tsua Peng,” 53 mula sa Hunan, China. Naaresto rin sina alyas “Wen,” 52 años at alyas “Yong,” 53 años, parehong mula sa Gansu, kasama si alyas “Wan,” 33 años na mula naman sa Guangzhou, China.
Inaresto rin ang 10 Pilipino na mga driver at operator ng heavy equipment na ginamit sa umano’y ilegal na pagmimina.
Nakumpiska rin sa site ang mga heavy machinery na minamaneho ng mga ito at paraphernalia na may tinatayang kabuoang halaga na P153,343,000 na ginamit umano ng mga suspek sa ilegal na pagmimina.
Narekober sa mga ito ang walong dump trucks, limang payloaders, 16 truck excavators, eight generator sets, apat na improvised sluice machines, kabilang ang isang pickup truck at dalawang compressor. Nakumpiska rin sa site ang ilang armas at bala, tulad ng armscor shotgun na may 12 rounds ng bala at dalawang improvised air guns. Nakuha rin ng mga awtoridad ang iba’t ibang uri ng langis na maaaring ginamit umano sa ilegal na pagmimina.
Kasalukuyan namang nasa ilalim na ng kustodiya ng Surigao City Police Station ang mga naarestong indibidwal para sa angkop ng disposition.
Nai-turn over na rin sa pangangalaga ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Caraga ang nakumpiskang heavy machinery equipment para sa pormal na ebalwasyon.














