Maaaring makaranas ng mga pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao ngayong Huwebes dahil sa trough o buntot ng Tropical Storm Choi-Wan na binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR.
Kabilang sa posibleng makaranas ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at thunderstorms ang Eastern Visayas, Caraga, at Davao Oriental.
Inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms sa Northern Mindanao at nalalabing bahagi ng Davao Region.
Sa pinakahuling monitoring ng state weather bureau, namataan ang bagyo sa layong 2,945 kilometro silangan ng Central Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 75 km/h, habang may pagbugsong umaabot sa 90 km/h.
Kumikilos ang bagyo patungong west-northwestward sa bilis na 15 km/h
Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may posibilidad ng localized rain showers o thunderstorms ang mararanasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Mahina hanggang katamtaman naman ang hangin sa buong bansa, habang bahagya hanggang katamtaman ang kondisyon ng mga karagatan.
Patuloy namang mino-monitor ng state weather bureau ang galaw ng tropical storm Choi-Wan at ang magiging epekto ng trough nito sa panahon sa bansa.















