Itinanggi ng kampo ni dating House Speaker Lord Allan Velasco at ni Vice President Sara Duterte ang mga pahayag ng natanggal na pulis na si Rodulfo Gracioso Jr., na nag-aakusa sa kanila ng umano’y pagpapadala at pagtanggap ng mga male-maleta na naglalaman ng bilyong-bilyong pisong cash.
Ayon kay Atty. Rowell Ilagan, tagapagsalita ni Velasco, walang katotohanan, gawa-gawa lamang, at puno ng hindi pagkakatugma ang mga paratang laban sa dating Speaker habang malinis ang rekord nito sa serbisyo-publiko.
Sa hiwalay na pahayag, mariin ding pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte ang imbestigasyon at sinabing hindi niya kilala si Gracioso, kasabay ng pagtiyak na nakahanda na ang kaniyang mga abogado na maghain ng kaso laban dito kapag nakuha na ang opisyal na affidavit mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Tinawag din ng bise presidente ang isyu bilang isang “media stunt” at desperadong hakbang ng administrasyon upang sirain siya at isulong ang impeachment laban sa kaniya.
Samantala, kinumpirma naman ni Justice Secretary Fredderick Vida at ng NBI na natanggap na nila ang affidavit ni Gracioso at kasalukuyan na itong sinusuri at iniimbestigahan ng pamahalaan.
















