-- Advertisements --

Kampante pa rin ang House Prosecution panel sa target nitong timeline para sa impeachment trial ni VP Sara Duterte.

Ito ay sa kabila ng magkasunod na petisyong inihain sa Supreme Court, na kumukuwestyon sa desisyon ng Senate Impeachment Court kamakailan na pagbabago sa denominator para sa voting treshold.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay panel spokesperson, Rep. Renee Co, magpapatuloy pa rin ang regular schedule na una nang inilatag ng Senado, kasama na ang presentasyon sa mga witness, cross examination, interpelation ng mga judge, atbpa.

Hangga’t walang inilalabas na Temporary Restraining Order (TRO) o preliminary injunction ang Korte Suprema, ang naunang inilabas ng impeachment court na schedule pa rin aniya ang susundin.

Nanindigan naman ang House panel na tama ang ginawa ng impeachment court ukol sa voting treshold.

Ayon kay Co, hindi binago ng Senado ang fraction kundi nilinaw lamang kung paano bibilangin ang denominator batay sa kasalukuyang sitwasyon, sa panahon ng hatulan.

Kung babalikan, magkasunod na naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang mga batikang abogado na sina Atty. Victor Rodriguez at Atty. Ernesto Francisco Jr. para kuwestyunin ang naging hakbang ng Senate Impeachment Court.