Pinalagan ni Vice President Sara Duterte ang naunang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na madrama umano ang kaniyang kampo. Iginiit ni Duterte na si Remulla ang totoong gusto ng drama.
Ang naging patutsada ni Remulla ay kaugnay ng pahayag ni Duterte na natatakot siya para sa kaniyang buhay at ng kaniyang pamilya dahil sa mga banta at panggigipit ng kapulisan mula pa noong 2023.
“Ang totoong drama kung makikita niyo ay ‘yong pag-aresto kay Martin Romualdez,” dagdag pa ni Duterte sa kaniyang pahayag nang magtungo ito sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) ngayong araw, Setyembre 11.
Dumating ang Bise Presidente bandang 8:30 ng umaga kasama ang kaniyang kapatid na si Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte para sa nakatakda sanang arraignment ng kaniyang kaso.
Kaugnay ito ng kinakaharap niyang tatlong counts ng kasong grave threats ukol sa kaniyang umano’y naging pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sa isang online press conference noong Nobyembre 2024.
Hindi nagtagal ang Bise Presidente sa loob ng QC RTC matapos ipagpaliban ng korte ang kaniyang arraignment. Kinumpirma ng kaniyang legal counsel na si Atty. Paul Lawrence Lim na naantala ang pagbasa ng sakdal dahil sa pending motion na inihain ng kanilang kampo.
Bago tuluyang umalis, hinarap ni Duterte ang kaniyang mga tagasuporta na maagang nag-abang sa labas. Hinimok niya ang mga ito na ipagpatuloy ang paglaban sa mga katiwalian sa gobyerno, kasabay ng tahasang panawagan na umalis sa puwesto ang Pangulo. “Sinungaling ka, abusado ka!” dagdag pa ni Duterte laban kay Marcos.















