-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nilinaw ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army na hindi nila tinotorture o minamaltrato ang mga sumusukong miyembro ng New People’s Army na nasa kanilang pangangalaga.

Ito ang binigyang-diin ni Sgt. Jefferson Asan, public affairs non-commissioned officer ng 39IB, sa programang PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency.

Ani Asan, taliwas sa mga paniniwala ng makakaliwang grupo, maayos ang trato ng pamahalaan lalo na ng kasundaluhan sa rebel returnee.

Aniya, daan-daang rebelde na ang sumuko sa kanilang batalyon ngunit wala ni isa man ang nagreklamo ng pangmamaltrato.

Sinabi ni Asan, maayos ang pakikitungo ng kasundaluhan sa mga dating rebelde, dahil iisa lang din ang mithiin ng bawat isa at ito ay ang kaunlaran at kapayapaan.

Giit pa niya, hindi berdugo ang pamahalaan, lalo na ang sandatahang lakas, salungat sa ideolohiyang kinagisnan ng NPA.

Samantala, simula 2020, abot na sa 109 na miyembro ng NPA ang sumuko sa 39IB.

Ayon kay Asan, ang mga ito ay benepisyaryo ng P15,000 na immediate assistance, at P50,000 na livelihood assistance.

Ito ay patunay aniya na tapat ang pamahalaan na tulungan ang mga rebelde sa kanilang pagbabalik sa komunidad.