Kinumpirma ng mga awtoridad na hindi bababa sa 82 katao ang mga nasawi matapos ang isang gas explosion sa isang coal mine sa Shanxi province sa China malayo sa naunang ulat na 90 katao ang nasawi.
Batay sa ulat ng state news agency na Xinhua, naganap ang aksidente noong Biyernes ng gabi sa Liushenyu coal mine sa Changzhi city.
Sa pinakahuling briefing ng mga opisyal, kinumpirma ng mga ito na 82 ang nasawi, mahigit 120 ang naospital, at dalawa pa ang patuloy na pinaghahanap na pinaniniwalaang wala nang buhay sa ngayon.
Inilarawan ng mga awtoridad na “chaotic” ang sitwasyon matapos ang pagsabog, habang patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng insidente.
Ayon sa mga opisyal, may natuklasang “serious violations” sa operasyon ng minahan, ngunit hindi pa inilalabas ang kumpletong detalye tungkol sa mga paglabag.
Libu-libong rescuers at medical personnel naman ang agad na ipinadala sa lugar upang tumulong sa search and rescue operations.
Marami sa mga nasugatan ay naapektuhan ng nakalalasong gas, ayon sa ulat ng state broadcaster.
Liban dito inatasan na ni Chinese President Xi Jinping ang agarang pagsagip sa mga nawawala at nanawagan din ng masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot sa pinakamalalang mining disasters sa China sa nakalipas na mahigit 15 taon.
Samantala lumutang naman sa mga ulat na may mga paglabag sa safety protocols ng cole mine, kabilang ang umano’y hindi pagsunod sa mandatory tracking devices para sa mga manggagawa at hindi tugmang mining blueprints na ibinigay sa mga awtoridad.
Ipinahayag din ng state media na ang bilang ng mga nasa loob ng minahan noong oras ng pagsabog ay posibleng doble sa nakasaad sa opisyal na tala ng kumpanya, na nagpalala sa sitwasyon ng rescue operations.










