-- Advertisements --

Aminado ang Department of Health (DOH) na hindi na kayang abutin ng kanilang hanay ang target na 8,000 tests kada araw para sa COVID-19 sa pagtatapos ng Abril.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, naglalaro sa pagitan ng minimum na 2,895 hanggang 6,420 tests kada araw ang kapasidad sa testing ng mga certified na laboratoryo sa bansa ngayon.

“Hindi pa rin tumitigil ang pagpupursige na maabot ang ating 8,000 tests per day. As of now, hinihintay na lang madeliver ang ibang mga machines at kagamitan para sa RT-PCR testing sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital.”

“Makakapagdagdag sa ating daily testing capacity by as much as 3,000 tests per day.”

Una ng sinabi ng DOH na mahalagang mapalawak ang testing capacity para makita ang larawan o tunay na sitwasyon ng COVID-19 infection sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, may 19 pa lang na certified laboratory para sa COVID-19 testing ang bansa.

Naka-pending pa ang ilang aplikasyon para ma-sertipikahan bilang pasilidad.