-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Namatay ang isang lolo matapos mabangga ng isang sports Utility Vehicle (SUV) habang lulan ng kanyang bisikleta sa intersection ng Maharlika Highway Plaridel, Santiago City.

Lulan ng kanyang bisekletang mayroong sidecar ang biktimang si Rogelio Ruiz Dingle, 80 anyos , isang Balo, maglalako at residente ng Dubinan East, Santiago City.

Ang tsuper ng silver metallic Toyota Rush na nakabangga sa biktima ay si Mary Grace Tolentino Bascos,49 anyos, may asawa, private employee at residente ng Centro West, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Traffic Enforcement Unit, binabagtas ng SUV at bisikleta ang Maharlika highway sa magkasalungat na direksyon nang lumiko papasok sa kanto ang SUV ay hindi napansin ng drayber ang bumabagtas na bisikleta na naging dahilan ng pagkabigla ng babaeng tsuper.

Dahil sa pagkabigla, sa halip na mag-preno ay naapakan nito ang accelerator ng sasakyang dahilan upang bumilis ang takbo nito at mabangga ang biktimang lolo.

Tumilapon ang biktima ng nasa limang metrong layo mula sa mismong pinangyarihan ng aksidente.

Maliban pa rito ay aksidente ring nasagi ng SUV ang paparating na isang single motorcycle na noon ay palabas sa kanto.

Ang single na motorsiklo ay minamaneho naman ng isang 19 anyos na binata, college student na residente ng Patul , Santiago City.

Nagtamo ng Gasgas sa katawan ang mag-aaral at nagtamo ng pinsala ang kanyang motorsiklo.

Habang ang lolong nabangga ay nagtamo ng malubhang injury na agad namang dinala ng tumugon na kasapi ng rescue team sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).

Habang nilalapatan ng lunas ang biktima sa pagamutan ay binawian ng buhay.