-- Advertisements --
ILOILO CITY – Nakatakdang dumating sa Pilipinas ngayong araw ang walong Pinoy mula Ukraine sa gitna ng banta ng Russian invasion.
Ayon kay Bombo International Correspondent Joy Tolentino direkta sa Kyiv, Ukraine, nag-alok ang Philippine Embassy in Poland ng libreng airline tickets sa mga Pinoy sa nasabing bansa.
Hindi naman aniya pinilit ang naturang mga Pinoy na lisanin ang Ukraine sa kabila ng tensyon laban sa Russia.
Tinatayang 140 hanggang 350 ang mga Pinoy sa Kyiv ngunit ayon kay Tolentino, karamihan sa kanila ay nagmamatigas na umuwi dahil normal pa umano ang sitwasyon sa lugar.
Katunayan, bukas ang mga establisyemento, may pasok ang mga estudyante, at operational ang mga restaurant gayundin ang biyahe ng mga sasakyan.