-- Advertisements --

Karamihan sa mga Pilipino ang naniniwala na ang paglabag sa health protocols ang siyang tunay na dahilan sa likod nang pagkalat ng COVID-19 sa bansa, base sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).

Nabatid na 79% ng mga Pilipino sa buong bansa ang nagsabi na ang paglabag sa social distancing measures, hindi madalas na paghuhugas ng kamay, at hindi pagsuot ng wasto ng face mask at face shield ang dahilan nang pagsipa ng COVID-19 cases.

Samantala, 11% ang nagsabi na ang pagtaas sa mga kaso ay resulta nang kawalan nang kahandaan ng pamahalaan, at 10% naman ang nagsabi na ito ay dahil sa pagdami naman ng coronavirus variants.

Natukoy din sa resulta ng survey na 33% ang nasabi na para masawata ang pagkalat pa ng COVID-19 ay nakadipende sa bawat indibidwal habang 31% naman ang sumagot na bahala na ang pamahalaan dito.

Sa kabilang dako, 15% naman ng mga Pilipino ang nasabi na bahala na ang mga kasama nila sa kanilang komunidad, 9% ang sumagot na ito ay sagutin ng mga local government units, 8% ang nagasbi na dipende ito sa kanilang mga kaanak, at 4% naman ang nagsabi na bahala na ang mga healthcare workers.

Ang naturang survey ay isinagaw mula Abril 28 hanggang Mayo 2, na nilahukan ng 1,200 katao sa buong bansa.