Mas marami nang mga Pilipino ang nais na magpabakuna kontra COVID-19 walong buwan makalipas na unang sinimulan ng pamahalaan ang pagtuturok nito.
Base sa resulta ng survey ng Social Weather Stations, 64 percent ng 1,500 adult respondents ang nagsabi na gusto nilang magpabakuna.
Ito ay siyam na puntos na mas mataas kumpara sa 55 percent na naitala noon namang Hunyo 2021, at dalawang beses na mas mataas kaysa 32 percent noon namang Mayo 2021.
Ang non-commissioned findings na ito ng SWS ay isinagawa mula Setyembre 27 hanggang Setyembre 30.
Sa 64 percent, 25 percent dito ang nagsabi na sila ay naturukan na ng second dose, 10 percent ang nakatanggap ng initial shot, 23 percent ang nagsabi na sure silang magpapabakuna, at 6 percent naman ang posibleng magpaturok nito.
Lumabas din sa resulta ng survey na 19 percent ang hindi pa rin tiyak kung sila ay magpapabakuna kontra COVID-19, habang 18 porsiyento naman ang ayaw talaga.
Magugunita na noong mga unang buwan ng inoculation drive ng pamahalaan ay napakataas ng vaccine hesitancy ng Pilipinas.
Ilang beses pang pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na binabawasan ng mga bakuna ang tsansa na mauwi sa severe hanggang sa criticial hospitalization ang COVID-19 case ng isang pasyente.










