-- Advertisements --

Nilinaw ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na ang hinihiling na 62 days na trial dates para sa presentasyon ng ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay pinakamahabang panahong maaaring kailanganin ng prosekusyon at hindi nangangahulugang gagamitin nila ang buong panahon.

Ayon kay Chua, nakabatay ang hiling sa dami ng mga dokumento at testigong kailangang iharap, kabilang ang mahigit 4,000 dokumentong may kaugnayan sa confidential funds.

Binigyang-diin din niya na maaaring hindi na iharap ng prosekusyon ang lahat ng apat na Articles of Impeachment kung sapat na ang ebidensyang maipapakita upang patunayan ang kaso.

Aniya, hiniling nila ang maximum na panahon dahil ang trial schedule na pagtitibayin sa pre-trial ay magiging bahagi ng pre-trial order, na magsisilbing gabay sa buong impeachment proceedings.

Inaasahang pagtitibayin ng Senate impeachment court ang pinal na iskedyul ng paglilitis bago ang pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.