-- Advertisements --

Nasawi ang anim na katao, tatlo naman ang patuloy na pinaghahanap, habang apat ang nasagip sa tumaob na motorbanca sa Lake Mapanuepe sa San Marcelino, Zambales kahapon, Huwebes, ayon sa Philippine Coast Guard.

Tinatayang 13 ang sakay ng motorbanca na miyembro ng Aeta Community. Sa isang statement ng Philippine Coast Guard, bandang alas dos ng hapon nang mangyari ang insidente malapit sa Sunken Church sa Barangay Buhawen. Papunta sana ang mga miyembro ng Aeta upang tumanggap ng mga pagkain, gamot at makilahok sana sa vaccination program ng health center.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakaranas ng matinding lakas ng hangin at malalakas na alon ng tubig ang sinasakyang motorbanca.

“Sa gitna ng trahedyang ito, nakikiisa ang pamahalaang lokal ng San Marcelino sa mga pamilyang naiwan at nakikiramay sa kanilang matinding pagdadalamhati,”- San Marcelino Public Information Office.

Ayon naman sa PCG, magpapatuloy ang search and rescue operations ngayong Biyernes, upang hanapin ang tatlo pang nawawalang pasahero.