KORONADAL CITY – Inaasahang matatapos na bukas, Pebrero 7 ang isinasagawang 5-day strike ng mga doktor at mga medical personnel sa Hong Kong matapos nagsimula ito noong Lunes, Pebrero 3.
Ito ang inihayag ni Bombo international correspondent Shella Mae Gallo sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kung matatandaan, mariing tinututulan ng mga medical staff, mga nurse at doktor sa naturang rehiyon ang pahayag ni leader Carrie Lam na buksan ang mga clinic at ospital sa Hong Kong upang matulungan ang mga Chinese upang matapos na umano ang banta ng novel-coronavirus sa naturang bansa.
Samantala ayon kay Gallo, maliban sa mga facemasks, nagkakaubusan rin ng mga tissues at mga delatang pagkain kung saan nagpapanic-buying pa rin ang mga tao sa mga grocery stores upang bilhin ang anumang pagkain na kanilang makokonsumo.
Sa kabila ng nararanasang krisis sa nasabing rehiyon, tiniyak rin ng konsulada ng Pilipinas ang karampatang tulong para sa mga ating mga kababayan.
Nabatid na isang OFW ang nadagdag na kumpirmado sa novel-coronavirus matapos nahawaan ito ng kaniyang amo na nagkaroon rin ng naturang sakit, dahilan na umakyat sa 21 ang kaso sa rehiyon.