-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nais ng magbago at mamuhay daw ng mapayapa ng limang mga myembro ng New People’s Army (NPA) na sumuko sa militar sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Ang mga rebelde ay mga kasapi ng Sub-Regional Committee Daguma (SRC-Daguma), West Daguma Front ng NPA Far South Mindanao Region (FSMR).

Sumuko ang mga NPA sa tropa ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt Col John Paul Baldomar sa Sitio Tinagdanan, Barangay Hinalaan, Kalamansig, Sultan Kudarat.

Ang mga rebelde ay pormal na iprenisenta at tinanggap ni 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central acting commander Brig. Gen. Eduardo Gubat.

Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas, mga bala, magasin at mga pampasabog.

Sinabi ni 603rd Infantry Brigade commander Colonel Michael Santos na sumuko ang mga rebelde sa tulong ng mga lokal na opisyal sa bayan ng Kalamansig at ang pinalakas na Community Support Program (CSP) ng militar.

Hinikayat ni Gen Gubat ang ibang mga NPA na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.