-- Advertisements --

Aabot sa 43 percent ng 37,154 bagong COVID-19 infections na naitala noong Linggo ang nanggaling sa National Capital Region (NCR), ayon sa OCTA Research group.

Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Dr. Guido David ng OCTA Research group na 15,959 mula sa 37,154 na bagong COVID-19 infections kahapon ay mula sa NCR.

Pero ito ay mas mababa naman aniya kung ikukumpara sa nakalipas na apat na araw.

Sa hiwalay na Twitter post, sinabi ni David na base sa datos mula sa Department of Health, lumalabas na ang Cavite, Rizal, Laguna, at Bulacan ay ang mga lugar na sumunod sa NCR sa may pinakamaraming naitalang bagong COVID-19 cases.

Samantala, base naman sa random antigen tests na isinagawa ng Department of Transportation, sinabi ni David kahapon na ang projected COVID-19 cases ng Metro Manila ay maaring maging anim hanggang 15 beses na mas mataas kaysa official numbers na inilalabas ng DOH.