-- Advertisements --

Kinumpirma ni Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella na umakyat na sa 42 ang bilang ng mga Pilipinong nasa Hubei, China, ang napahayag na pagnanais na umuwi na ng bansa.

Sinabi ni Usec. Abella, nakipag-ugnayan na sila sa consulate general office ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Shanghai, China.

Ayon kay Usec. Abella, ngayong linggo ay magpapadala na ng chartered aircraft ang gobyerno para sunduin sila.

Tutulong sa repatriation ang rapid response team ng DFA at medical personnel na tinukoy na rin ng Department of Health (DOH).

Bumuo na umano ang DOH ng guidelines sa proseso ng kanilang repatriation.

Sa ngayon, inihayag ni Usec. Abella na nasa higit 295,000 mga Pilipino ang nasa mainland China pero wala pang naitatala sa kanila na may Wuhan coronavirus.