Aabot sa apat na lalaki na nahaharap sa kasong may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control project sa Bulacan ang naaresto matapos isilbi sa kanila ang warrant of arrest, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa pahayag ng PNP nitong Linggo, ang mga suspek ay nahaharap sa kasong malversation of public funds or property through falsification of public documents kaugnay ng umano’y iregularidad sa implementasyon ng flood control project sa lalawigan.
Tatlo sa mga akusado na may edad 51, 41, at 40 ay naabutan ng mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office habang nakapiit na sa isang detention facility sa Quezon City.
Samantala, boluntaryong sumuko ang isa pang akusado na 63-anyos mula sa Bustos, Bulacan matapos ang isinagawang tracking operations ng mga awtoridad.
Ayon sa PNP, walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong isinampa laban sa mga akusado.
Noong Biyernes, naglabas ng warrant of arrest ang Malolos Regional Trial Court laban sa mag-asawang kontratistang sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah “Sarah” Discaya, kasama ang siyam pang indibidwal, kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa kickback scheme na may kaugnayan sa mga flood control project.
Isang araw bago nito, naghain ang Office of the Ombudsman ng mga kasong malversation at graft laban sa mag-asawang Discaya at iba pang akusado na sina Merg Jaron Laus, Brice Ericson Hernandez, Jaypee Mendoza, Ernesto Galang, Norberto Santos, Lorenzo Pagtalunan, Juanito Coronel Mendoza, Floralyn Simbulan, at Ma. Roma Angeline Rimando.
Pinuri naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga operatiba sa matagumpay na pagpapatupad ng mga warrant of arrest.
“Ang mandato ng PNP ay ipairal ang batas nang pantay para sa lahat. Hindi natin pinapalampas ang mga ganitong kaso dahil kailangan may pananagutan. Kapag may mali, dapat may kasunod na aksyon para maprotektahan ang pondo ng bayan at manatili ang tiwala ng publiko,” ani Nartatez.
Sinabi rin ng PNP na ipinaalam sa mga naarestong akusado ang kanilang mga karapatan na naaayon sa Konstitusyon sa wikang kanilang nauunawaan. Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng mga awtoridad habang hinihintay ang kanilang pagharap sa hukuman.
















