Iniulat ng Philippine National Police na mayroon na silang apat na mga persons of interest na tinututukan ngayon pahinggil sa nangyaring pagpapasabog sa Mindanao State University sa Marawi City.
Ito ay sa gitna ng mas malalimang imbestigasyon na ikinakasa ngayon ng Pambansang Pulisya at Armed Forces of the Philippines hinggil sa nangyaring insidente na ikinasawi ng apat na indibidwal at ikinasugat ng 50 iba pa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, sa ngayon ay may impormasyon nang hawak ang kapulisan hinggil sa pagkakakilanlan ng dalawang persons of interest na una na nilang natukoy.
Batay aniya sa kanilang nagpapatuloy na imbestigasyon ay lumalabas na may kaugnayan ang dalawa sa isang local terrorist group sa Mindanao, at kapwa may dati nang mga criminal records.
Bukod sa mga ito ay mayroon ding dalawa pang lalaki ang tinitignan ngayon ng PNP na posibleng nagsilbing lookout ng mga POI sa nangyaring pagpapasabog.
Samantala, ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang back tracking ng mga otoridad sa mga kilos ng naturang mga suspek sa nangyaring krimen matapos na makakuha ang mga ito ng kopya ng CCTV footages mula sa labas ng establisyemento ng Mindanao State University.