-- Advertisements --

Kinumpirma ni COVID-19 National Action Plan deputy chief implementer Sec. Vince Dizon na apat ang nag-positibo sa COVID-19 sa mahigit 600 mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuwi sa bansa at lumapag sa Clark International Airport nitong Hunyo 6.

Sinabi ni Sec. Dizon, dinala na sa akmang quarantine facility ang apat na OFWs.

Ayon kay Sec. Dizon, karamihan naman sa mga umuwing OFWs na galing sa Dubai, Barbados at Vancourver, Canada ay napauwi na makalipas ang tatlong araw lamang na quarantine at lumabas na negatibo ang resulta ng kanilang COVID test.

Inihayag ni Sec. Dizon na sa ngayon ay sinisikap pa rin nilang ayusin pa ang sistema para mapaikli pa nang husto ang proseso at mapauwi nang mas maaga pa ang mga OFWs na dumarating sa bansa.

Malaki umano ang naitulong ng mga dagdag na laboratoryo sa bansa na ngayon ay nasa 56 na para mas mapabilis ang testing at paglalabas ng resulta ng COVID test.