Tinatayang aabot ng humigit kumulang 4.2 million pamilyang Pilipino ang nakaranas ng gutom ng kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan, base sa opinion poll ng Social Weather Stations.
Sa 1,200 household heads na tinanong ng SWS mula Abril 28 hanggang Mayo 2, nasa 16.8 percent ang nagsabi na nakaranas sila ng tinatawag na involuntary hunger.
Ayon sa SWS, ang May 2021 Hunger rate ay 0.8 points na mas mataas sa 16 percent 4 million pamilya noong Nobyembre 2020.
Ito ay 4.3 points na mas mababa naman sa 2020 annual average na 21.1 percent, pero doble pa rin ng December 2019 pre-pandemic level na 8.8 percent o nasa 2.1 million pamilya.
Ang Mindanao ang siyang may pinakamataas na Hunger incidence sa 20.7 percent o katumbas ng 1.2 million pamilya.
Sinundan ito ng Visayas na may 16.3 percent o 776,000 pamilya, Balance Luzon sa 15.7 percent o 1.8 million pamilya, at Metro Manila sa 14.7 percent o 496,000 pamilya.










