
Nasa mahigit 300 kandidato para sa Barangay at Sanguniang Kabataan Elections 2023 ang binigyan ng Commission on Elections ng show cause order.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa umano’y naging mga paglabag ng mga ito sa itinakdang pamantayan ng komisyon pahinggil sa pangangampanya para sa naturang halalan.
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, sa ngayon ay nasa 341 na mga kandidato na para sa BSKe ang kanilang binibigyan ng show cause order nang dahil sa pagkakasangkot sa illegal campaigning, habang aaboy naman sa 7,103 ang mga ipinatawag nang dahil sa premature campaigning.
Samantala, kaugnay nito ay patuloy naman ang pagpapaalala ng komisyon sa mga kandidato na ang mga pinapayagang sukat para sa mga materyales sa halalan ay 8.5 x 14 pulgada para sa mga flyer, 2 x 3 talampakan para sa mga tarpaulin, at 3 x 8 talampakan para sa mga streamer.
Habang ang mga campaign posters naman ay maaari lamang ipaskil sa mga common poster areas.
Matatandaang kahapon ay sinimulan na ng Comelec ang pagbabaklas sa mga campaign posters na ilegal na nakapaskil sa mga hindi otorisadong lugar o di kaya’y mga poster na hindi sumusunod sa itinakdang sukat ng komisyon.










