Matagumpay na nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 28 kataong sakay ng isang yate na sumadsad sa loob ng Tubbataha Reefs Natural Park sa Palawan nitong Linggo, Hunyo 14.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, bandang alas-5 ng umaga nang matanggap ng Coast Guard ang ulat tungkol sa MY Philippine Siren 2, na nakaranas ng malalakas na hangin habang nakaangkla sa isang boya, humigit-kumulang 7.2 nautical miles hilagang-silangan ng Tubbataha Reef.
Batay sa impormasyon ng PCG, umalis ang yate mula sa Puerto Princesa City noong Hunyo 10 para sa isang diving expedition sa loob ng Tubbataha Reefs Natural Park.
Kabilang sa 28 kataong nasagip ang 14 divers at 14 na Pilipinong crew members. Sa mga divers, siyam ay mga Amerikano, tatlo ay mga German national, at dalawa ay mga Pilipino.
Sinabi ni Cayabyab na inilipat na ang 14 divers at apat na crew members sa isa pang yate, ang MY Resolute, na inaasahang makababalik sa Puerto Princesa City bandang alas-8 ng gabi.
Samantala, ipinadala ng PCG ang BRP Cape Engaño (MRRV-4411) sa lugar upang magbigay ng suporta sa 10 crew members na nananatili sa MY Philippine Siren 2 at tumutulong sa mga hakbang para sa pangangalaga ng kapaligiran.
Ayon sa PCG, nananatiling nakalutang sa tubig ang yate hanggang alas-9:30 ng umaga noong Linggo. Tiniyak din ng ahensya na wala silang namataang oil spill o anumang senyales ng marine pollution sa loob ng Tubbataha Reefs Natural Park kasunod ng insidente.
















