Magdamag na gagawin ng mga awtoridad ang search-and-rescue operations para sa tinatayang 20 kataong pinaniniwalaang na-trap sa ilalim ng gumuhong gusali sa Angeles City nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Angeles City public information officer Jay Pelayo, hindi titigil ang rescue operations habang may natatanggap na senyales ng buhay mula sa mga posibleng survivors sa ilalim ng mga tipak ng bato.
Sinabi ni Pelayo na mas pinaigting pa ng mga rescuer ang kanilang operasyon matapos makadetect ng signs of life mula sa ilang na-trap sa debris.
Dagdag pa niya, tumutulong na rin ang iba’t ibang local government units sa rescue efforts habang nagdeploy naman ng malalaking floodlights sa lugar upang masuportahan ang overnight operations.
Ayon sa mga awtoridad, karamihan sa mga nawawala ay mga construction worker. Mahigit 20 katao naman ang na-rescue mula sa insidente.
Sa ngayon, isa pa lamang ang kumpirmadong nasawi na pinaniniwalaang isang Malaysian tourist na nanunuluyan sa isang apartelle na katabi ng gumuhong gusali.
Nilinaw rin ni Pelayo na 20 lamang ang kasalukuyang bilang ng mga nawawala at hindi 23 gaya ng unang ulat. Aniya, may ilang indibidwal na napaulat na missing ngunit kalaunan ay natuklasang wala naman pala sa lugar nang mangyari ang pagguho habang ang iba naman ay nakauwi na.
















