Naniniwala ang grupo ng medical experts na nakatulong ang dalawang linggong timeout para mabago ng pamahalaan ang diskarte nito laban sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Dr. Antonio Dans ng Philippine Society of General Internal Medicine, natugunan naman ng gobyerno ang pitong issues na kanilang ipinunto nang manawagan na isailalim muli sa mahigpit na lockdown ang ilang lugar sa bansa.
Ilan daw sa magandang development na idinulot ng 2-week modified enhanced community quarantine ay ang paglulunsad ng One Hospital Command at ang pagpapalawak pa ng referral network ng COVID-19 patients sa mga local government units. Pati na ang pagbuo ng safety guidelines sa mga opisina at transportasyon.
Kung may ire-rekomenda lang daw ang grupo nilang Healthcare Professionals Alliance against COVID 19 (HPAAC), ito ay ang pagkakaroon ng tutok na pag-aaral sa mga bagong impormasyon ukol sa sakit, pagpapalakas sa internet connection nang mapabilis din ang reporting ng mga datos at pagbibigay ng tulong sa mahihirap.
“Balik tayo sa GCQ bukas. Handa na ba kayo? Alam niyo na ba ang tamang paggamit ng face mask at face shield, kung paano gagawin ang physical distancing at paghuhugas ng kamay? Ang safety requirements sa biyahe at trabaho? Kung mayroon kayong sakit sa trangkaso kahit kaunting-kaunti, alam niyo ba kung saan magpapa-test? At kung saan magpapa-quarantine?”
“Kailangan aralin natin lahat ng ito kasi apaw na ang mga ospital. Kaunti na lang apaw na ang may mga namamatay sa emergency room at bahay. Baka matulad tayo sa Italy kung saan pinipili ng mga doktor kung sino ang dapat salbahin at sino ang pwede nang pabayaan.”
“Pansamantala habang pina-plano pa ‘to, nire-refine at inaayos, I think yung isang magandang mindset na nasa isipan nating lahat is yung kaharap ko sa labas ng aking pamamahay (ay) pwedeng positibo siya. Paano ko masisiguro nan hindi ako mahahawaan, hindi ko maipapasok sa loob ng aking bahay,” ani Dr. Anna Ong-Lim ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines.
Nilinaw naman ng HPAAC na ang layunin talaga ng hiniling nilang time out ay para makabuo ang gobyerno ng mas epektibong hakbang nang hindi na kumalat ang sakit.
Reaksyon ito ng grupo sa gitna ng ilang kwestyon ukol sa mataas pa ring bilang ng COVID-19 cases na naitala sa gitna ng dalawang linggong MECQ.
Kasali rin sa rekomendasyon na kanilang isusumite sa National Task Force ay ang tuloy-tuloy na containment at management sa transmission, pantay na kalinga sa mga COVID at non-COVID patients, pagbalanse ng kalusugan sa ekonomiya at prevention approach na naka-sentro sa komunidad at mga pasyente.
“Kung gagamitin natin ang lockdown para pababain ang dami ng mga kaso tapos babalik din tayo sa mga dati nating ginagawa, hindi pa rin tayo nagpo-protect ng sarili mahihirapan tayo kasi ganoon, pagkatapos ng lockdown tuloy na naman yung pag-akyat ng dami ng mga kaso,” ani Dr. Dans.
“Yun pong lockdown, yung two weeks, hindi natin makikita na bababa ang cases. Realistically hindi yun talaga ang pakay. Ang pakay natin talaga ay mag-restrategized. In the words of (Sec.) Harry Roque kahapon, ‘mag-reboot’.”