-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Sugatan ang dalawang indibidwal matapos ang nangyaring pagsabog sa Brgy. Allang, Ligao City sa lalawigan ng Albay.

Ayon kay Police Major Larry Niño Prepotente, Officer in Charge ng Ligao City Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa concern citizen kaugnay sa naturang insidente at agad na nag-deploy ng mga tauhan.

Kasama sa mga sugatan sila Jesus Posiquit, 39-anyos at isang 15-anyos na biktima.

Sa kasalukuyan, nasa ligtas ng kalagayan ang mga ito habang nagpapagaling pa sa mga tinamong sugat dahil sa pagsabog.

Sinabi pa ni Prepotente na sa pagresponde ng Explosive Ordnance Division, nakita ang indikasyon na posibleng improvised explosive device ang dahilan ng pagsabog subalit patuloy pang iniimbestigahan sa ngayon.

Samantala, tumanggi ang hepe na magbigay pa ng mga dagdag na detalye sa posibleng nasa likod ng naturang pagpapasabog.