-- Advertisements --

Dead on arrival sa pagamutan ang dalawang indibidwal habang apat naman ang sugatan matapos ang nangyaring aksidente kahapon na kinasasangkutan ng dalawang sasakyan at isang motorsiklo sa Brgy. Sagay bayan ng Borbon Cebu.

Nakilala ang nasawi na sina Chad Alforque, 48 anyos, driver ng wing van at ang driver ng motorsiklo na si Jerome Anciano, 28 anyos residente ng San Remigio Cebu.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCapt. Derrick Innot, hepe ng Borbon Police Station,sinabi nitong patuloy ngayong nagpapagaling ang mga nasugatan sa insidente na sina Ronito dela Rama, 57 anyos, na sakay ng wing van; backrider ng motorsiklo na si Crystel Dejito, 27 anyos; at ang mag-asawang lulan ng pickup truck na sina Ma. Chona at Carlos Caballero.

Ayon kay PCapt. Innot, patungo sa hilagang direksyon ang kalsadang binabaybay ng wing van habang ang motorsiklo at pickup truck ay patungong Cebu City.

Ngunit pagdating pa sa kurbadang kalsada ay nawalan umano ng preno si Alforque kaya nabangga nito ang motor at isa pang sasakyan.

Dahil sa lakas ng impact ng impact ay bumaligtad ang wing van habang wasak naman ang harapang bahagi ng pickup truck.

Naisugod pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit dead on arrival sina Alforque at Anciano.

Panawagan pa ni Innot sa nagmamaneho ng mga sasakyan at bumibiyahe na laging mag-ingat lalo na sa mga pakurbadang daan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.