-- Advertisements --

Dakawa pang petisyon na inihain laban kay presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hahawakan ng Commission on Elections (Comelec) Second Division.

Kinumpirma ito mismo ng Office of the Clerk of the Commission ng Comelec ngayong araw ng Miyerkules, Nobyembre 24.

Ang mga petisyon na ito ay ang inihain ni Tiburcio Marcos na nagnanais ipakansela ang certificate of candidacy ng dating senador at ang isa naman ay ang inihain ni Danilo Lihaylihay na nagnanais ipadeklarang nuisance candidate si Marcos.

Nauna nang inanunsyo ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang petisyon na inihain ni Fr. Christian Buenafe et al na naglalayong ikansela ang COC ni Marcos ay na-raffle sa kaparehong division.

Nauna nang itinakda ng poll body ang preliminary conference sa petisyon ni Buenafe sa Nobyembre 26.

Sa ngayon ay wala pang update sa petition-in-intervention inihain laban kay Marcos pati na rin ang nagnanais naman na siya ay madiskwalipika sa 2022 polls.

Sa kabilang dako, ang petisyon na inihain laban kay senatorial aspirant Raffy Tulfo ay na-raffle din sa Second Division.

Ito ay inihain ng nagnangangalang Julieta Pearson na nagnanais ipakansela ang COC ni Tulfo.

Ang Second Division ay binubuo nina Commissioners Socorro Inting at Antonio Kho Jr.