CAUAYAN CITY – Arestado sa ikinasang buy-bust operation ang dalawang katao sa harapan ng isang fast food chain sa San Pedro-San Pablo, Aurora, Isabela matapos magbenta ng mga overpriced na medical supplies.
Kinilala ang mga suspek na sina Eliza Sagabaen Baracao, 41, sales representative at residente ng Calao East, Santiago City, Isabela; at Lorenzo Germino Santos, 55-anyos, tsuper at residente naman ng Malvar, Santiago City, Isabela.
Sa pinagsanib na pwersa ng Aurora Police Station, CIDG Isabela, DTI Isabela, Regional Investigation Unit at Isabela Highway Patrol Group ay naaresto ang mga pinaghihinalaan na nagbebenta ng overpriced na alcohol at medical supplies.
Narekober mula sa mga suspek ang 20 piraso ng P1,000 peso bill na ginamit bilang buy-bust money, limang gallon ng Ethyl Alcohol na nagkakahalaga ng P3,000 at isang resibo ng pinagbentahan ng alcohol na may kabuuang halaga na P18,000.
Kaagad namang dinala na sa himpilan ng pulisya ang mga narekober mula sa mga suspek.